Download the book for free
Chapter 4
Author: Yesha Lee"ANG kapal ng face mong sabihin na kayo ang bagay ni Carlo ha! May salamin ka ba sa room mo?"
"Hoy Marsha, hindi ka namin kinakausap kaya wala kang karapatang sumabad sa usapan namin!" ani Chikki.
Iniharang niya ang isang bisig dito. Daig pa nito ang sumisingasing na buwitre sa ayos nitong namumula at nag-uumapaw ang galit kay Marsha. Tinitigan niya ito nang makahulugan at saka muling binalingan ang bagong dating.
"Hindi ka namin ginugulo ni Chikki kaya nakikiusap akong kung puwede ay iwan mo kami."
"Iwan? May assignment ako at gusto kong mag-aral dito sa sala. May problema ka?" Nilampasan sila nito at saka naupo sa sofa na katapat ng kanina ay inuupuan nila ni Chikki. Kinuha pa nito ang remote control ng TV at inilipat iyon sa ibang istasyon.
Saglit siyang nagbilang sa isip. Kailangan niya iyong gawin para kahit kaunti ay mapahaba pa ang nauubos na niyang pasensiya sa kaharap. Alam naman nitong naroon sila sa sala ni Chikki pero sa halip na umiwas ay talagang nananadya itong magkita sila. Sadyang inuubos nito ang bala ng pagtitimpi niya.
"Hindi kami puwede sa likod-bahay dahil naroon ang grupo ni Hanna. Kung gusto mo ay doon ka para naman-"
"Teka, teka...idinidikta mo sa akin kung saan ako pupunta sa loob ng pamamahay na ito?" Tila hindi makapaniwala ang anyo ni Marsha habang nagdudumilat ang mga mata nitong nakatingin sa kanila.
"Oo! Inuutusan ka nga, ang hina naman ng IQ mo!" sabad ni Chikki. Gigil na gigil talaga ito at lalo lang iyong nagdaragdag ng inis sa kanyang sistema.
"Ang kapal ha! Bakit ako aalis kung gusto ko rito? Ikaw ba ang may-ari nito?" sagot pa rin ni Marsha.
"Ay, hindi ka updated, pompoms? Matagal nang pag-aari ito ni Orange, for your info! Matagal na, buhay pa man ang nanay niya at nagpapa-cute pa lang ang bungangera mong mudra sa tatay niya!"
"Ang tabil ng dila mo ah! Putulin ko kaya iyan?"
Sa halip na masindak ay tinabig siya ni Chikki at nilapitan si Marsha. Iniliyad nito ang dibdib at pilit na lumiyad para pumantay sa height ng kausap. "Ano, square na lang tayo? Ito lang namang si Orange ang kinakaya mo! Palibhasa ay alam mong hindi ka niya papatulan!"
"Hindi niya ako papatulan?" Tumawa ito nang pagkalakas-lakas na halatang nang-iinis. "Hindi niya magawang lumaban sa akin dahil natatakot siyang mapalayas sa bahay na ito! Natatakot siyang manlimos sa kalye at walang makain na siyang mangyayari kung hindi siya magpapakabait sa amin!"
"Aba at gaga ka palang talaga!" Madaling umigkas ang mga kamay ni Chikki at sumabunot sa buhok ng nagulat na si Marsha. Nanlaban din ito at ilang saglit pa ay hindi na niya alam ang gagawin para maawat lang ang dalawa.
"Mas gaga ka! Nakikisali ka sa away na hindi naman sa'yo!"
"Kung ikaw ang aawayin, laging akong sasali, impakta ka!"
"Chikki, tama na! Marsha!" Sinikap niyang pigilan ang dalawa pero walang gustong magpaawat sa mga ito. Diretso sa pananabunot ang dalawa na tila ba wala nang ibang mahalaga sa mundo kundi ang bakbakin ang anit ng isa't-isa.
"Tama na!" Tinangka niyang hawakan si Marsha pero itinulak siya nito at sumadsad siya nang patalikod sa kanto ng isang estante at dahil matibay na kahoy iyon ay agad na nanakit ang likod niya. Madaling umakyat ang dugo niya sa ulo at inilang hakbang ang kinaroroonan ng dalawang nagbubuno. Walang sabi-sabing nakisali na siya sa sabunutan ng mga ito. Kung kanina ay umaawat siya, ngayon ay tulong na sila ni Chikki sa paghaltak sa buhok ng bruhang si Marsha.
"Anak! Marsha!"
Agad niyang naramdaman ang pagkalas ni Marsha. Bigla ay isang malakas na hagulgol ang pumailanlang sa paligid kasabay ng bigla nitong panggigipuspos. Napaupo pa ito sa sahig. Sunud-sunod ang naging paghinga nito nang malakas na animo ay hindi makahinga.
"Tito! Tito, tulungan niyo ako!" daing nito.
Nakamata lang siya sa ama habang papalapit. Nakabadha sa mukha nito ang pag-aalala...na hindi patungkol sa kanya kundi kay Marsha.
"Marsha, ayos ka lang ba, anak?" Itinayo nito ang dalaga at sinuri ang mga braso at mukha. Maya-maya ay bumaling ito sa kanya. Punung-puno ng galit ang mga mata. "Bakit, Anastacia? Bakit mo ito nagawa?"
"Tatay, hindi naman ako-"
"Akala ko ay hindi totoo ang mga naririnig kong pag-uusap ng mag-iina tungkol sa'yo. Nagbibingi-bingihan ako sa tuwing sasabihin nilang sumasama ang ugali mo. Hindi ko alam na totoo pala at may basehan ang mga iyon."
"Tay, siya ang nagsimula! Nag-uusap lang kami ni Chikki nang dumating siya at-"
"At pati kaibigan mo ay katulong mo pa sa pananakit sa kapatid mo?"
"Puwede ba, 'Tay! Hindi ko siya kapatid!"
"Tama na, Anastacia! Hindi ka na natakot na sagutin ng ganyan ang Tito! Paano kung sumama ang loob niya at atakehin sa puso? Kung maaga siyang mamatay dahil sa'yo?!"
Lalo siyang nainis sa narinig. Bakit pakiwari niya ay gusto yata nitong mangyari ang sinasabi nito? Dahil doon ay lalong tumalim ang tingin niya rito. "Ang kapal ng mukha mong magsalita ng ganyan, Marsha! Palibhasa ay hindi mo siya totoong ama kaya ganyan lang kadali sa'yo ang mag-isip nang ganyan!"
"Itinuturing namin siya ni Hanna na totoong ama at ikaw bilang totoong kapatid. Bakit hindi mo magawang ibalik iyon sa amin? Masama bang makisabay sa panonood ng TV? Para iyon lang ay sinabunutan niyo na akong magkaibigan? Napakasama ninyo!" Muling pumalahaw ng iyak si Marsha na sinundan ng sunud-sunod nitong paghingal. Daig pa nito ang kabayong bagong sali sa karera.
"Lubha mo akong binigo, anak. Hindi ko akalaing darating tayo sa ganitong punto," mahina nitong usal.
Napakunot ang noo niya sa narinig. "Tay?"
Nang muling tumingin sa kanya ang ama ay tila humihingi na ito ng pang-unawa. "Siguro nga ay kailangan muna kitang patirahin sa tiyahin mo. Hindi ko na kaya ang mga ginagawa mo, anak. Natatakot akong mapahamak ka dahil lang hindi ko na makontrol ang mga pagbabago mo."
Nanlaki ang kanyang mga mata sa matinding pagkagulat. Hindi niya inaasahang maririnig iyon sa ama. "Patitirahin ninyo ako sa ibang bahay dahil...dahil sa babaeng ito?" puno ng pagdaramdam na tanong niya habang ang paningin ay nakapako kay Marsha. Nang palihim itong umismid ay lalo nang nagpuyos ang kanyang loob.
"Patawarin mo ako, anak. Ito na siguro ang pinakamabuting gawin."
"Mas mahalaga sa inyo ang bago ninyong pamilya?"
"Hindi iyon ang punto ko, anak..."
"Iyon ang ipinararamdam ninyo sa akin!" Nabasag na ang kanyang boses at unti-unting gumulong sa kanyang mga pisngi ang mga luha ng pagtitimpi. "Dahil lang sa kanila ay magagawa ninyo akong ipamigay? Handa kayong kalimutan ang relasyon natin bilang mag-ama para lang sa kanila?"
"Dadalaw-dalawin kita, anak. Lagi kitang pupuntahan para-"
"Dadalawin? Pupuntahan? Pero silang hindi mo kadugo ay dito mo patitirahin? Kasabay sa pagkain at kasa-kasama sa lahat ng oras? Paano ako?"
Tinangka siyang hawakan ng ama pero iwinasiwas niya ang braso at madaling lumayo rito. "Hindi niyo ako kailangang ipamigay, 'Tay. Hindi ako tuta para gawin niyo iyan. Huwag kayong mabahala dahil kaya ko namang mabuhay mag-isa."
"Anak..."
"Wag niyo na akong tawaging anak dahil tinapos niyo na ang relasyon ninyo sa akin nang magdesisyon kayo sa bagay na iyan." Hinawakan niya sa kamay si Chikki at agad na tinalikuran ang ama. Kahit anong tawag nito sa kanya ay sinikil niya ang sariling hindi ito lingunin. Labis siyang nasaktan sa naging desisyon nito. Hinding-hindi niya malilimutan ang araw na iyon. Isinusumpa niyang hinding-hindi, sa buong buhay niya.
"SIGURADO ka ba sa gagawin mo, bff?" nag-aalalang tanong ni Chikki kay Orange.
"Hindi."
"Iyon naman pala. Bakit gagawin mo pa?"
Napayuko siya kasabay ng pangingilid ng luha. It was the very first time she felt such agony. Napakasakit palang marinig buhat sa mismo niyang ama na suko na ito sa kanya. Na naniniwala ito sa bagong pamilya nito na masama na siyang tao ngayon at umabot pa iyon sa puntong kailangan siya nitong ipamigay.
Bigla ay nanumbalik sa kanya ang isang eksena ng kahapon.
"Marieta, Luisa, ibalik ninyo ang mga gamit ninyo sa loob at pag-usapan natin ito."
"Hindi na, 'Tay. Ang sabi ninyo ay mahal niyo ang Rosa na iyan kaya doon na lang kayo. Maging masaya sana kayo sa piling ng biik na 'yan," ani Marieta, ang panganay sa kanilangtatlong magkakapatid.
"Oo nga," sabad naman ng kanyang Ate Luisa. "Huwag niyo sanang pagsisihan ang desisyon ninyong makisama sa kanya kahit hindi pa nakakababang-luksa si Nanay."
Iyon lang at sabay nang nagmartsa palabas ng bahay ang dalawa. Iniwan siya ng mga ito sa tatay niya dahil kailangan pa raw niyang magtapos ng pag-aaral habang ang mga ito ay nakatapos na.
Naglasing ang tatay niya nang gabing iyon at panay ang sumbong ng mga hinanakit nito patungkol sa kanyang mga kapatid. Ang sabi nito ay hindi lang nila alam ang totoong pangyayari sa pagitan nito, ng kanyang ina at ni Tiya Rosa pero hindi pa rin niya iyon inintindi. Nangingibabaw pa rin sa kanya ang hinanakit dito at pagtatampo sa mga kapatid sa pang-iiwan ng mga ito sa kanya.
Gayunman ay hindi siya umiyak. Pilit niyang isiniksik sa isip na kailangan siya ng kanyang ama kung paanong kailangan rin siya nito. She just graduated from high school at ibig pa niyang magpatuloy sa kolehiyo. Paano niya iyon gagawin kung wala siyang amang susuporta sa kanya?
Bukod doon ay kailangan rin siya ng ama. He had been suffering from diabetes since her mother died. Noon kasi ay ang nanay niya ang naghahanda ng pagkain sa araw-araw at nababantayan nitong maigi ang kalusugan ng ama samantalang ngayon, lahat na yata ng matatamis at mamamantikang pagkain ang inihahain ng mag-iinang bruha sa kanyang ama. Natural ay hindi siya madalas na kasali sa last supper dahil parating sinasabi ng mga bruha niyang kapatid na ayaw raw niyang sumabay sa pagkain gayong ni minsan ay hindi naman nagtangka ang mga itong tawagin siya. Sa isang banda ay ayos lang iyon dahil wala naman siyang interes na makasabay sa pagkain ang mga ito. Baka kahit patis ay mawalan ng lasa sakanya kung masebong hilatsa ng mukha ng Tiya Rosa niya ang makikita niya gayundin ang malulutong na ngiti ng dalawa niyang mortal na kaaway sa mundong ibabaw.
"Ano, sure ka na ba sa gagawin mong paglalayas? Kung ako kasi sa'yo, huwag na lang. Baka kung mapaano ka pa sa-"
"Maglalayas ka?"
Kapwa sila napalingon ni Chikki sa pinagmulan ng tinig na bigla na lang sumulpot sa likuran nilang magkaibigan. It was Carlo. Sa leeg nito ay naroon ang isang towel na ipinantutuyo nito ng pawis. Hindi mahirap hulaang galing ito sa paglalaro ng basketball sa gym kung ang pagbabasehan ay ang suot nitong jersey at ang dala nitong sports bag.
"Tara na, Chikki. May klase pa tayo," aniya sabay tayo pero hindi pa man nakahahakbang ay agad nang nahagip ni Carlo ang kanyang palapulsuhan.
"Sandali lang naman. Kadarating ko lang ah."
"Kaya nga. Kadarating mo lang kaya diyan ka muna. Kami naman ay kanina pa rito kaya aalis na kami." Inalis niya ang kamay nito at saka humakbang. Kasunod naman niya ang nagmamadaling si Chikki.
"Pero teka! Narinig kong sinabi ni Chikki na maglalayas ka. Bakit? Bakit kailangan mo iyong gawin?"
"Wala kang paki!" aniya saka lalong binilisan ang paglalakad.
"Hindi tama ang iniisip mo, Anastacia-"
"Puwede ba, tigilan mo ang katatawag sa akin sa buo kong pangalan! Napipika na 'ko sa'yo eh!"
"All right, but did you get my point?"
"Hindi rin!"
"Saglit nga, bff! Napapagod ako sa inyo eh!"
Nilingon niya si Chikki at ibig niyang matawa sa mukha nitong tila nilamukos na papel.
"Gosh, gusto mo palang makipaghabulan, ikaw na lang! You guys are tiring me!" maarte nitong sabi.
"Tumigil ka nga! May tiring-tiring ka pang pinagsasasabi diyan. Halika na at kailangan nating mag-usap!" Hinatak niya ito sa kamay at saka muling naglakad palayo kay Carlo pero sa malas ay mukhang desidido itong inisin niya. Sumunod na naman ito at ngayon ay nilampasan pa siya saka humarang sa kanyang dinaraanan.
"Umalis ka nga diyan, ano ba!" asik niya.
"Hindi ako aalis hangga't hindi mo ako kinakausap!"
"Ano ba kasi ang problema mo?"
"Ikaw ang may problema at gusto ko lang makatulong-"
"Kung gusto mong makatulong, iwan mo 'ko! Layuan mo 'ko dahil ayoko na nang gulo, okay!"
"Si Marsha ba ang inaalala mo? I don't care about that woman. Ni hindi ko siya kaibigan kaya wala akong pakialam sa kung ano ang sasabihin niya oras na makita niya tayo."
"Pero gusto ka nga niya! Mahirap ba iyong intindihin? Kung ako sa'yo, ligawan mo na lang ang babaeng iyon para matahimik na!"
"Bakit ko siya liligawan kung ikaw nga itong gusto ko!"
Nanlaki ang mga mata niya sa pagkagulat. Kasunod niyon ay ang ilang segundo niyang pananahimik.
"Hoy, bff! Natuka ka na ng ahas diyan! Gusto ka pala ni Carlo at gusto mo rin siya, ano ang problema?"
Wala sa sariling napasulyap siya kay Chikki.
"O, itikom mo iyan at baka may magdaang langaw ay ma-trap." Itinuro pa nito ang mga labi niya na hindi niya namalayang nakaawang pala. Agad niya iyong itinikom at saka muling binalingan ang lalaking kaharap.
"Ano'ng sinabi mo?" tulala pa rin niyang tanong.
"Oy, bingi-bingihan!" panunukso ni Chikki. Siniko niya ito at saka pinandilatan ng mga mata. Ilang segundo rin bago ito nakahalata at saka sila iniwan.
"Tinatanong kita kung ano ang sinabi mo." Naggalit-galitan siya kaya marahil napahaplos naman sa batok ang kaharap.
"I said I like you."
"Gusto mo ko?" Hindi siya makapaniwala. Kung si Clifford nga at ang iba pang mga lalaking nagustuhan niya ay hindi siya pinansin, si Carlo pa ba na sikat na basketball varsity player sa unibersidad ang magkakagusto sa kanya? Anong kabutihan ang nagawa niya sa kapwa para bigyan ng gayong gantimpala?
"Yes."
"You mean, you like me as...what? as a friend, right?"
"What do you want to hear?"
"Your answer," pakli niya na tila hihimatayin na sa sobrang kilig nang mga sandaling iyon.
"I like you as a woman...as a friend and-"
"Sabi ko na nga ba-"
"Wait," habol ni Carlo nang tinangka niyang tumalikod. "As a friend and something more than that. Alam kong hindi ka manhid, Tasha. Alam ko ring alam mo ang dahilan nang pagsunud-sunod ko sa'yo. You can't expect me to say everything in full details."
"So, ano iyon? Ayoko nang paligoy-ligoy, Carlo, Busy akong tao kaya gusto ko ay diretsahan!"
"I already said I like you!"
"Iyon lang?" Nadismaya siya.
"What else?"
"I mean, sunod ka nang sunod sa akin at parati mo akong kinukulit, tapos ay iyon lang ang dahilan? You just like me? So kung like mo rin si Hanna o si Marsha, susundan-sundan mo rin sila, ganoon?"
"I will never do that because I will never like those girls, in the first place."
"I like that."
"What?"
"Ang sabi ko, sige. Like mo na ako kung like. Diyan ka na muna at may aasikasuhin pa ako."
"Wait!" He grabbed her wrist.
Napilitan siyang lingunin ito pero dahil hindi niya inaasahang malapit na malapit pala ito sa kanya ay halos nagkadikit na ang kanilang mga mukha. The bridge of his nose almost touched hers.
It took them a few minutes staring at each other before Carlo released her. Noon lang siya natauhan at sa unang pagkakataon mula nang isilang siya ay tila nalunok niya ang dila. Literal siyang nagkandautal sa harap ni Carlo kaya minabuti na lang niyang manahimik.
"Hindi ko alam kung ano ang definition mo sa panliligaw, Anastacia but I am willing to explore your vocabulary. Kung bibigyan mo lang ako ng chance, patutunayan ko sa iyo ang ibig sabihin ng I like you ko."
"Ganoon?"
He grinned sexily. "Ganoon."
"All right. So anong oras tayo uuwi sa inyo?"
"Ha?"
"Hindi ba at sinabi mo kaninang tutulungan mo ako sa problema ko? Ngayon naman ay kasasabi mo lang na gusto mo ako at patutunayan mo sa akin ang ibig sabihin niyon sa'yo. Sige, payag na akong patunayan mo iyon. Tulungan mo 'ko."
"Paano?" maang nitong tanong.
"Maglalayas ako sa amin at kailangan ko nang matutuluyan. Isama mo ako sa inyo."
"What?!"
Napaismid siya sa matinding pagkagulat ni Carlo. "Ayaw mo?"
"Hindi naman sa ganoon pero-"
"Ayaw mo nga kung ganoon!"
"Alam mo namang naglayas din ako sa amin, hindi ba. Mag-isa lang ako sa tinutuluyan ko. Baka isipin ng mga taong nag-asawa na ako kapag isinama kita doon."
Namilog ang mga mata niya sa ideyang pumasok sa isip. "Tama! Palabasin nating nag-asawa na ako para mag-alala nang husto ang tatay ko! Good idea!"
"Ano?!" Higit ang naging panlalaki ng mga mata ni Carlo pagkarinig sa huli niyang sinabi.
Share the book to
Facebook
Twitter
Whatsapp
Reddit
Copy Link
Latest chapter
Si Orange (The Pinay Cinderella) Filipino Chapter 15
“HEY, ‘Ma, what are you laughing at?” tanong ni Carlo nang mabungaran ang ina na humahagikgik. Nasa likod ito ng pinto ng dirty kitchen at nakatingkayad pa habang may kung anong sinisilip. Tila gulat na gulat naman ito nang makita siya, inayos ang sarili at saka tumikhim.
Si Orange (The Pinay Cinderella) Filipino Chapter 14
NAKALILIYONG sensasyon ang ngayon ay nararamdaman ni Anastacia. Carlo was staring at her as if she was the prettiest woman living on Earth. Hindi magkasya ang tuwa sa puso niya. Ang makasama lang si Carlo ay masaya na siya, ang matitigan pa kaya nito!
Si Orange (The Pinay Cinderella) Filipino Chapter 13
“ANONG oras ba darating ang parents mo?” Pabalik-balik sa paglalakad sa kabuuan ng sala ni Carlo si Orange, animo hinahabol ng kung ano.
Si Orange (The Pinay Cinderella) Filipino Chapter 12
“KAWAWA naman pala ang Tiya Rosa mo, Beshie. Hindi ko naman akalaing ganoon pala ang lovestory nila ni Tito Romy,” malungkot na sabi ni Chikki kay Orange habang magkasama silang nagme-merienda sa cafeteria ng university campus.Napailing s
Si Orange (The Pinay Cinderella) Filipino Chapter 11c
NAPAILING siya nang makailang ulit habang lumuluha. “Hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi kayo dumating sa buhay namin! Masaya kami ng tatay ko! Masaya kami kahit wala na si Nanay dahil magkakasama kami pero ano ang ginawa ninyo? Nang dumating kayo, nasira na ang lahat! Mas pinili kayo ng Tatay kaysa sa amin! Simula pa lang, Tiyang, alam ko nang ganito ang mangyayari. Galit kayo sa akin, ‘di ba? Hindi ninyo ikinatuwa ni minsan nang iwan ako ng mga kapatid ko kay Tatay! Galit kayo dahil nakakahati niyo ako sa pagmamahal ng tatay ko!”
Si Orange (The Pinay Cinderella) Filipino Chapter 11b
MARAHAN siyang napailing. Mabuti pa ang panyolito at sa lahat ng oras na kailangan ng dalaga ay naroon, samantalang siya…Nagtagis ang kanyang mga ngipin dahil sa guilt na agad niyang nadama.Anastacia trusted him. Ipinagtiwala nito ang sarili sa kanya. She was totally naïve…very innocent at sinamantala naman niya iyon para paikutin ito. Naisip niya, ano naman kung malaman nitong kasama niya si Portia nang gabing iyon? Alam naman nito ang relasyon niya sa dalaga. Ang mahalaga ay naging tapat siya pero hindi nga gayon ang nangyari. Ngayon ay wala siyang maidahilan sa sarili kung bakit siya nagsinungaling rito.
Si Orange (The Pinay Cinderella) Filipino Chapter 9b
“BAKIT?” taka niyang tanong dito habang nagpipilit na hindi makabangga ng mga taong nadadaanan.
