Unduh Buku Gratis di Aplikasi
Chapter 1
Penulis: erheoverdoseUnang Pagtapak
Pinasadahan ko ng tingin ang babaeng nakaupo sa harap ko. Ilang taon na ang lumipas at hindi man lang sumagi sa isip ko na maari siyang magbago - mula sa kanyang itsura hanggang sa kanyang ugali.
Ang dating itim at mahaba niyang buhok ay wala na. Puno ang kanyang katawan ng itim na tinta na siyang mananatili sa kanya habam-buhay. Ang mahinhin at tila babasaging babae na bumibisita sa bahay ampunan ay naglaho na parang bula.
Kumirot ang dibdib ko nang mapagtantong ang kahuli-hulihang kamag anak namin ng aking kapatid ay wala ng tinirang simpatya para sa'ming dalawa.
"Ilang taon ko nang hindi nababayaran ang prinsipeng iyon nang minsan siyang pumarito. Nangako ako sa sarili kong wala akong hahawakang responsibilidad maliban sa sarili ko, buo na ang pasya ko Akira." malamig niyang tugon habang diretso ang tingin sakin.
Ganito ba kami ka walang silbi? Ganito ba kami bigat? Pasan pasan niya ba kami?
Nakitira lamang kami sa kanya. Nangakong tulungan siyang umahon sa buhay at ngayong naka ahon na siya ay gagamitin niya lamang kaming pambayad sa kanyang kakulangan.
Bumadyang makawala ang mainit na likido sa aking mga mata, gayon pa man ay sinikap kong sabayan ang kanyang titig.
"Bakit... Tiya?" may halong pait at galit ang aking boses. "Nagkulang ba kami sayo kaya mo kami ipinamimigay?"
Humigpit ang hawak ni Aokio sa aking kamay sa ilalim ng mesa, tiyak na ramdam niya ang pagpipigil ko ng aking emosyon at ang pagkabasag ng aking boses.
Ngumisi si Tiya Danet. "Simula pa lang ay naitatak ko na sa aking isipan na gamitin kayo balang araw," tumayo siya at humalukipkip. "Ganoon ka na ba katanga Akira para hindi mapansin iyon?"
Hindi ako nakasagot.
Minsan ng sumagi sa isip ko na baka ginagamit kami ni Tiya ngunit masyado akong abala sa pagtatrabaho para sa kanya, dahilan upang maipagsawalang bahala ko ang ideyang iyon.
"Kung sabagay, simpatya lang naman ang habol mo sa akin noong mga oras na iyon. Hanggang ngayon, simpatya parin ba ang nais mo Akira?" aniya na parang naliliit sa akin.
Sa isang iglap ay nasa gilid ko na siya at mariin na niyang hawak ang aking panga upang magtama ang aming paningin.
Ang kanyang mga salita ay tila punyal na tumarak saking dibdib. Simpatya. Parang kanina lamang ay naisip ko ang kawalan niya ng awa at simpatya para sa aming magkakapatid.
Oo na at inaamin kong simpatya ang habol ko sa kanya noong sandaling linapitan ko siya upang sabihing nais kong tumira kasama siya sa kadahilanang pinalayas kami sa ampunan.
Buong buhay ko ba ay simpatya ang siyang nais ko? Noong kinupkop kami ni Tiya Hagda sa ampunan, simpatya ba ang ninais ni Ina para sa aming magkapatid? Noong pinalayas kami ng mga tagapangalaga ng bahay ampunan, simpatya ba ang hiningi ko sa kanila upang mapanatili kami roon? At mula noong lumapit kami kay Tiya Danet hanggang ngayong pinapamigay niya kami sa iba, simpatya rin ba ang siyang nais kong makuha mula sa kanya?
Tapos na ako. Tapos na akong mag mukhang maliit. Tapos na akong humingi ng simpatya. Kinamulatan ko na iyon, siguro ay panahon na upang baguhin ko ang sarili ko.
Takpan ang malambot na Akira at ibalot ng isang babaeng matigas at mautak na siyang kinakailangan niya at ng kanyang kapatid.
Marahas kong pinunasan ang luhang tumulo sa aking mata at malamig siyang tiningnan. "Hindi na ngayon." inalis ko ang kanyang kamay sa aking panga at tumayo.
"Kung nais mo kaming ipamigay sa iba ay malugod naming susundin iyon, Tiya. Ikanagagalak kong makalayo sa puder mo at sinisigurado kong puputulin ko ang namamagitang koneksyon natin sa oras na maipasakamay ako ng prinsipeng sinasabi mo."
Halos hindi ko makilala ang sarili kong boses. Tila ibang tao ang kumakausap kay Tiya Danet ngayon.
Sumilay muli sa kanyang mukha ang isang aliw na ngiti, hanggang sa tuluyan iyong lumawak at umalingawngaw sa buong kaban ang kanyang mala-demonyong tawa.
Nanatili akong nakatayo habang pinagmamasdan siyang naaliw sa akin. Dahan dahang humina ang kanyang boses at marahan niyang hinaplos ang aking pulang buhok.
"Akira, anak..." Tila bumaliktad ang aking sikmura sa kanyang tinawag sa akin. Naglaho ang kanyang ngiti at napalitan ng madilim na ekspresyon ang kanyang mukha. "Ikinagagalak ko ring mahiwalay sa inyo."
Napalunok ako nang humigpit ang kapit niya sa aking buhok, sa isang iglap ay naglaho na siya sa aking harapan.
Bumuntong hininga na lamang ako at nanghihinang bumagsak sa upuan, katabi ni Aokio.
Ilang minuto akong napatulala sa lampara na siyang nasa gitna ng mesa. Nagawa ko ba talaga iyon? Napagsalitaan ko ba talaga ang aking kadugo?
Siguro nga panahon na para kalimutan ang dating ako. Panahon na para tigilan ang pag apak sa aking sarili para lang makuha ang inaasam na simpatya. Ito na siguro ang senyales na dapat ay baguhin ko na ang aking sarili, hindi para sa kagustuhan ng iba, kundi para sa akin.
Dahil may buhay na nakasalalay sa aking palad.
Naibalik lamang ako sa ulirat nang magtanong ang aking kapatid.
"Ate, aalis na talaga tayo sa puder ni Tiya Danet?" inosenteng tanong niya.
"Wala na tayong magagawa. Tayo na't mag impake." kapwa kami tumango at lumabas sa kaban.
Hapon na nang tumulak kami sa bahay ni Tiya Danet. Dati'y isa siyang babaeng bayaran. Pinangarap niyang makapagpatayo ng isang disenteng bahay at maging isang maharlika.
At natupad lahat ng iyon dahil sa amin ni Aokio.
Noong yumao si Tiya Hagda, ang kaibigan ng aking ina na siyang punong tagapangalaga ng bahay ampunan, pinalayas kami ng mga tagapangalaga upang maipaghiganti ang mga batang hindi nagkaroon ng pantay na trato.
Dati ay doble at sobra ang biyayang aming natatangap dahil si Tiya Hagda ang siyang may pinakamataas na ranggo, ngunit nag dulot lamang iyon ng sama ng loob sa ibang tagapangalaga at mga bata.
Ngunit hindi ba't ang pagpapalayas sa amin ay kalabisan na? Ganoon na ba kalaki ang sama ng loob nila sa aming magkapatid?
Nang mga panahong iyon ay wala na akong ibang naisip kundi lumapit kay Tiya Danet na siyang nakatira sa tagong pamilihan; ang lugar kung saan nagliliwaliw at nagsasaya ang mga maharlika na siyang pinagsisilbihan ng mga babaeng bayaran.
Lubos akong nagtiwala sa aking sarili. Hindi ko naisip na dadating ang punto na tatapak ako sa isang makasalanang lugar. Doon ay nahanap ko si Tiya Danet, ang sinasabing kapatid ng aking Ama sa labas.
Binigyan niya kami ng tahanan at kinupkop sa loob ng anim na buwan. Ang pangarap niyang maging maharlika ay pinanghawakan namin ni Aokio. Kumayod kami at gumawa ng iba't ibang trabaho, matulungan lamang si Tiya sa kanyang inaasam na titulo. Umasa kaming aangat ang aming estado nang sandaling maging maharlika ang aming Tiya ngunit nagkamali kami, kami ay ginawang kasangkapan lamang.
Dahil sa mga nangyayari ay mas lalo akong nagalit at namuhi sa mga maharlika. Hindi porket may kayamanan na sila ay may karapatan na silang umapak ng taong mas mababa kaysa sa kanila. Hindi dapat nila kalimutan na kung wala ang mga mas mababa ay hindi sila maituturing na maharlika.
Muli kong sinulyapan ang maliit na kubo na siyang nakatindig hindi kalayuan sa bahay ni Tiya. Doon niya kami pinatira. Isang maliit na kubo na walang silid tulugan at gawa sa manipis na kahoy at yero.
Napalingon ako nang makarinig ng yabag ng kabayo. Tanaw ko kaagad ang isang itim na karwahe na paparating sa gawi namin.
Nariyan kaya sa loob ang prinsipe na tinutukoy ni Tiya?
Bumukas kaagad ang pintuan ng bahay at iniluwa si Tiya Danet na nakasuot puting roba, siguro ay kakatapos niya lamang maglinis ng katawan. Doon ko napagtantong hindi siya sasama sa amin.
Hindi niya kami tinupunan ng tingin, sa halip ay tinuon niya ang atensyon sa dalawang kabayo na nakasunod sa kalesa. Kapwa naka takip ang mukha ng kawal na nakasakay sa kabayo. Pormal itong tumindig sa harap ni Tiya at may inilabas na papel.
"Nakapaloob rito ang mensahe ng mahal na Prinsipe," inabot nito ang papel kay Tiya.
May ilan pa silang pinag usapan na hindi ko maintindihan at napatindig lamang ako ng maayos nang bumaling sa akin si Tiya Danet. Muli niyang liningon ang lalaking nasa kanyang harapan at tumango.
Naalerto ako nang sabay naglakad patungo sa direksyon namin ni Aokio ang dalawang lalake. Agad akong yinakap ng aking kapatid sa aking hita at napahigpit naman ang kapit ko sa aking bitbit na bagahe.
"Teka sandali-"
"Mapipilitan kaming gumamit ng dahas sa oras na tangkain niyong magpumiglas. Tayo na." matigas na sambit nung isang lalake.
Wala na akong nagawa nang marahas nila kaming hinila papasok sa kalesa. Bago magsarado iyon ay lumingon ako kay Tiya Danet sa huling pagkakataon. Ngumisi lamang siya sa akin at binuksan ang hawak na pamaypay.
Muli kong binalingan ang mga lalaki. "Saan niyo kami dadalhin?"
Tanging ilong at labi lang nila ang natatakpan kaya kita ko ang kanilang kulay abong mga mata. May suot rin silang itim na sumbrero at may mga punyal rin na naka sabit sa kanilang kasuotan.
Akala ko ay sasagot sila sa akin ngunit sabay lang silang tumango sa isa't isa at lumabas. Padabog pa nilang sinara ang bakal na pinto ng kalesa at rinig ko ang kaluskos ng kandado sa labas.
Agad akong sumilip sa bintana at pinaghahampas ang aking palad doon.
"Saan niyo kami dadalhin?!"
Pinaghahampas ko iyon pero hindi na ata rinig sa labas. Muling nag usap ang lalake at si Tiya Danet ngunit hindi ko na ito mapakinggan dahil sa kapal ng harang sa pagitan namin.
"Ate, hindi na nila tayo maririnig..." ani Aokio at dahan dahang tinanggal ang mga kamay kong nakahawak sa pinto.
Lumuhod siya sa harap ako at binalot ang aking mga kamay gamit ang kanyang mainit na palad. "Ate, magiging maayos naman siguro tayo sa kamay ng prinsipeng sinasabi ni Tiya, hindi ba?" inosente niyang tanong.
Si Aokio ay pitong taong gulang lamang. Hindi siya naturuan ng mga aralin sa bahay ampunan dati dahil masyado pa siyang bata. Hindi siya gaya ng ibang bata na madaling nakaka-intindi ng sitwasyon dahil si Aokio ay lapitin sa disgrasya, bagay na kinakatakot ko.
Ang kanyang inosenteng mga mata ay naghahanap ng magandang kasagutan. Kumirot ang aking dibdib. Kahit ako'y katanungan din iyon.
Magiging maayos kaya kami sa kamay ng prinsipeng pinagbabayaran ni Tiya? Anong itsura niya? Maganda ba ang kanyang pananaw sa buhay? Ligtas ba kami sa kanya?
Wala akong makuhang sagot ngunit ayaw kong sirain ang munting pag-asa sa mata ng aking kapatid, ang liwanag na galing sa kanya ang kumukompleto sa akin.
Ngumiti ako. "Siguro'y ganoon nga Kio."
Siguro ay mas labis siya kay Tiya Danet; labis na mabait o labis na masama.
Noon pa man ay talagang kinamumuhian ko na ang mga maharlika at may mataas na antas sa lipunan. Ni minsan ay hindi sumagi sa aking isipan na pagsisilbihan ko sila at magiging kasangkapan upang takpan ang pagkukulang ng aking kadugo. Kung ano man ang utang ni Tiya Danet sa prinsipeng tinutukoy niya, labas na ako roon.
Pinisil ni Kio ang aking kamay. "Di ba ay isa siyang prinsipe? Sana ay maging malambot at maingat siya pagdating sa isang binibining kagaya mo, Ate."
Sumilay ang isang ngiti sa aking labi. "Salamat Aokio."
Wala na akong ibang masabi. Hindi ko kailanman napuri ang mga dugong bughaw dahil sa muhi ko at hindi naman pwedeng magsinungaling ako sa harap ng aking kapatid kaya nanahimik na lamang ako.
Dahan dahan tumulak ang kalesa hanggang sa naging banayad ang takbo nito. Nakasunod lamang ang dalawang kabayo sa likuran. Pinatong ni Aokio ang kanyang ulo sa aking hita at pumikit. Mainam ko siyang hinawakan upang hindi siya mahulog sa kanyang puwesto.
Binuksan ng kutsero ang bintana sa harap dahilan upang pumasok ang hangin. Sumayaw sa ihip ng hangin ang aking pulang buhok. Ilang sandali akong pumikit habang nakasandal.
Nang mawala ang ingay ng mga tao sa labas ay napamulat ako. Bigla akong kinabahan nang makita ang daang tinatahak namin. Napapalibutan kami ng nagtatayugang mga kahoy at malagkit ang daan.
Ito ang tahimik na daan palabas ng Saban.
Kung ganoon ay hindi sa reyalmong ito namumuno ang prinsipeng tinutukoy ni Tiya. Hindi ko masyadong pinagbibigyan ng pansin ang mga dugong bughaw dahil labas na ako roon. Mamamayan man ako, sapat na ang pagiging pamilyar sa ilan. Hindi ako katulad ng karamihan na tila sinasamba ang mga nakatataas.
Kinagat ko na lang ang aking pang ibabang labi at muling sumandal. Ilang oras akong ganoon hanggang sa tangayin ako ng antok.
Nagising lamang ako nang kumalam ang aking sikmura. Gising na rin si Aokio at nakapanglumbaba habang tinitingnan ang labas ng bintana. Patuloy parin sa pagtakbo ang karwahe at hindi ko alam kung nasaang lupalop na kami.
Madilim na sa labas at halos hindi mo na maaninang ang mga bulto ng mga puno roon. Walang liwanag bukod sa lamparang nakasabit sa unahan ng karwahe.
Lumapit sa akin si Aokio nang makitang gising na ako. "Malayo pa ba ang palasyo ng mahal na Prinsipe?"
Pilit akong ngumiti. "Hindi ko alam." hinawi ko ang kanyang buhok na bahagyang tumakip sa kanyang mukha.
"Sana ay naghanda siya ng pagkain para sa atin..."
Natawa ako.
Sana nga ay maging mabait ang prinsipeng tinutukoy ni Tiya. Nang sa ganoon ay mabago man lang ang imahe nila sa akin.
Umupo si Kio sa kandungan ko at sumandal sa aking dibdib. "Ate, nangungulila parin ako kay Tiya Hagda."
Kumirot ang aking dibdib. Anim na buwan na rin at hanggang ngayon ay wala paring sagot kung bakit biglang pumanaw si Tiya. Ang sinabi lamang sa akin ng isa sa mga tagapangalaga ng bahay ampunan ay dinapuan ito ng sakit na walang lunas, ngunit hindi pa arin ako kumbinsido.
"Ako rin naman Kio. Ngunit kailangan nating tanggapin na wala na siya at hindi na natin siya muling makikita..."
Bigla na lamang insinubsob ni Kio ang kanyang mukha sa aking damit at humikbi. Napakaliit ni Kio para sa isang pitong taong gulang na bata. At di gaya ko ay may kulay tsokolate itong buhok na minana niya sa aming Ina.
Walang akong ibang ginawa kundi haplusin ang kanyang buhok. Hindi na nagbadya ang luha sa aking mata. Tila nagmanhid na ako at naubusan ng luha na ipapatak dahil sa mga pangyayari. Bukod pa roon ay kinakailangan kong maging matatag dahil may iyayak at sasandal sa akin.
Itinulog namin ni Kio ang gutom. Naalimpungatan lamang kami nang biglang bumukas ang nag iisang pintuan ng karwahe.
Naitakip ko sa aking mata ang aking palad dahil sa matinding liwanag mula sa labas. Napabalikwas din ng bangon si Aokio at yumakap sa akin. Hinila kami ng dalawang bantay at pagkalabas namin ay nahulog ang aking panga.
Isang malaking kastilyo ang eleganteng nakatindig sa aking harapan. Napakalaki nito at sigurado akong mas malaki pa ito sa inaakala ko.
May tatlo itong tore sa harap at sa gitna ay nakatayog ang bandera ng reyalmong pinamumunuan ng prinsipeng aming pagsisilbihan.
Nakatayo lamang kami ni Aokio sa harap ng malaking pintuan at namamanghang pinagmasdan ang lugar. Bahagya ng sumilip ang haring araw at kita ko na ang kulay ng paligid.
Nagtatayugan ang mga puno ngunit walang mga bulaklak. Makintab rin na bato ang siyang inaapakan ko ngayon at may mahabang daan sa aking kaliwa't kanan. Bukod pa roon ay tanging kapatagan na lamang ang aking nakikita at ang mga nagtataasang pader na pumalibot sa buong lupain at kastilyo.
Napaka tahimik ng lahat. Ang kutsero ay nasa aking likuran at may iilang tagapagsilbi na nakatayo sa aking gilid. Ang dalawang lalake na nakasakay ng kabayo ay nakatindig na ngayon malapit sa pintuan.
Walang tumangkang magsalita. Hindi kami gumalaw at wala namang nag utos sa amin na pumasok. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makatapak ako sa isang kastilyo, at wala akong ideya kung ano ang siyang gagawin ko.
Nakarinig ako ng yabag sa itaas at nang tumingala ako ay bulto ng tao ang siyang sumalubong sa akin. Tila nalunok ko ang aking dila nang kumislap ang gintong korona sa kanyang ulo.
Bago pa man ako makapag bigay ng galang ay tinalikuran na niya kami at muling pumasok sa loob. Ni hindi ko man lang nasilayan ng husto ang kanyang mukha dahil sa liwanag.
Humigpit ang kapit ko kay Kio at sa telang ginawa kong pambalot ng aming mga damit. Tatlong hakbang pa lamang ang aking naigagawad nang bumukas ang malaking pintuan.
Agad akong napayuko at nakaramdam ako ng pangangatog sa aking tuhod. Rinig ko ang kanyang mga yabag na papalapit sa kinatatayuan namin ni Aokio at halos mapapikit na lamang ako nang tumigil ang kanyang makintab na sapatos sa aking harapan.
"Maligayang pagdating,"
Bagikan buku ke
Facebook
Twitter
Whatsapp
Reddit
Copy Link
Bab terbaru
Luring Virtues I Chapter 10
PuwangNaimulat ko ang aking mga mata nang maramdaman ang pagdampi ng sinag ng araw sa aking balat. Bumungad sa akin ang obra ng kalikasan.Bahagyang basa ang mga dahon dahil sa lamig ng madaling araw kanina. May kalamigan ang hanging umaga at mayroong manipis na hamog na siyang bumabalot sa paligid.Na apula na ang apoy kaninang madaling araw. Hinanap ng aking mga mata ang prinsipeng aking pinagsisilbihan ngunit walang bakas ni Deo sa kapaligiran.Agad akong napatayo.Lumingon ako sa aking likuran upang tingnan ang mala-kwebang ugat ng puno at napahinga ako ng maluwag nang makitang naroon pa ang aming mga kagamitan.Tuluyan na akong bumangon at inayos ang aking tinulugan.Nauna akong nakatulog kay Deo kagabi dahilan kung bakit hindi ko alam kung saan ito nagpahinga. Linigpit ko na lamang ang ibang kagamitan naming nagkalat sa lupa.
Luring Virtues I Chapter 9
Patutunguhan"Are you sure this trip is effective? What if di pumayag sa alok ang La Paza, Rhiel? They might betray us instead once they knew they're both titled creatures from Sonali." tugon ni Xeamon sabay turo sa aming dalawa ni Deo. Narito kami ngayon sa labas ng palasyo. Natipon ang magkakaibigan sa hindi ko malamang dahilan. Parang kahapon lamang ay kaliwa't kanan ang batuhan nila ng opinyon na nagdulot ng 'di pagkakaintindihan. Nasabi na ni Rhiel sa akin ang kanyang buong plano. Gusto ng hari na kami'y magtungo sa La Paza ─ isang lugar na siyang pagawaan ng mga armas at mga kagamitan na karaniwang ginagamit sa digmaan. Pabirong tumaas ang kilay ni Rhiel. "Are doubting me Magnus?"Ang kanyang katanungan ay mabilis na inilingan ni Xeamon. "Im just giving second thoughts with your plan.""Yeah. La Paza has trust issues with its customers
Luring Virtues I Chapter 8
MisyonSa maliit na panahon kong pananatili rito sa palasyo ng mga Taliesin ay unti-unti nang nagbabago ang aking pananaw sa mga maharlika.Dito ko rin nadiskubrihan ang kaibahan at pagkakapareho ng mga normal na mamamayan at mga nilalang na mayroong mataas na antas sa lipunan.Hindi man mawala wala sa aking isipan ang mga huling salita ni Deo kahapon, nanaig parin sa aking isipan ang kwento ng buhay ni Harloise.Hindi kagaya ni Aokio, wala siyang kapatid na maaring tumulong sa kanya. Ngunit naroon si Eleanor at siya mismo at ang kanyang pamilya ay buong pusong tinanggap si Harloise.Bata pa lamang si Harloise para sapitin ito. Mula pagkapanganak ay isang misteryo na ang sumalubong sa kanya na siyang magiging puwang tungkol sa totoo niyang pagkatao.Ako mismo ay naaawa sa kanya. Hindi ko matanggal sa sistema ko iyon. Siguro dahil sa kadahilanang pati ako a
Luring Virtues I Chapter 7
PagkakahawigKasalukuyan kong inaayos ang mga panibagong damit ni Aokio nang bigla kong maramdaman ang marahang paghawi ng aking buhok mula sa likuran."Ate, humahaba na yung buhok mo. Hindi na siya ganoon ka maalon kagaya ng dati." anito at sinumulang itirintas ang aking buhok.Pansin ko ngang mas tumutuwid ito sa paglipas ng panahon. Kailan ko nga ba ito huling ginupitan?"Gugulo lamang ang aking buhok kapag ipinagpatuloy mo iyan Kio," babala ko rito.Naging gawain na ng aking kapatid ang pag tirintas ng aking buhok sa tuwing napapansin niyang ito'y tumutuwid.Ngunit kakaiba nga lang sa mga panahong ito dahil mas tuwid ito kung ikukumpara sa mga nagdaang buwan.Ang kulay ng aking buhok hindi purong pula. Nahahaluan ito ng kaunting kahel at madalas na kumikintab kapag tinatamaan ng liwanag.Hindi pinansin ni Kio ang aking
Luring Virtues I Chapter 6
Walang Katumbas "Eww,"Doon lamang ako natauhan.Buong lakas kong itinulak si Deo ngunit bahagya lamang itong napa-atras. Tinanggal na niya ang pagkakapulupot ng kanyang mga kamay sa aking bewang.Ngayon ay hindi na ako makatingin ng diretso sa kanya. Bagama't ganoon ay ramdam ko ang kanyang pag-ngisi. Mabilis kong isinara ang pinto at halos maiyuko ko ang aking ulo nang balingan si Eleanor.Nakasuot ito ng panibagong bestida na may burdang rosas, doon ko napagtantong mahilig si Eleanor sa mga bulaklak."K-Kanina ka pa ba riyan?"Ngumiti lamang ito. "Hindi na bago kay Deo. Noon pa man ay mapusok na ang isang iyon."Bigla na lamang akong nakaramdam ng bigat na tila nakadagan sa akin.Kung ganoon ay hindi lamang ako ang nahalikan niya.Hindi ko mawari kung bakit halo-
Luring Virtues I Chapter 5
DeoKagat labi akong nagtungo sa pasilyo kung nasaan nakahilera ang mga gintong pinto. Nasa aking gilid ang tagapagsilbi at taimtim ko lamang itong sinusundan sa paglalakad.Kanina lamang ay hiniling kong sana'y hindi niya ituloy o kalimutan na lamang ang kanyang plano sa akin ngayong gabi, ngunit mukhang hindi ko na ito maiiwasan.Masama ang kutob ko rito.Akala ko'y papasok kami sa isang gintong pinto ngunit kumunot ang aking noo nang lagpasan namin ito ng tagapagsilbi at lumiko sa ibang pasilyo."Akala ko'y sa silid ni Prinsipe Deo tayo magtutungo?"Bahagya pang nagulat ang tagapagsilbi sa biglaang tanong.Nang makabawi ay ngumiti ito bago nagsalita. "Aniya'y sa kanyang silid aklatan ka na lamang dadalhin. Mahigpit rin na ipinagbabawal ni Prinsipe Deo ang pagpapapasok ng mga kababaihan sa kanyang silid kung ito'y hindi niya personal na
